BALITANG PROMDI

NOTORIOUS CARNAPPERS DAKMA SA NINAKAW NA VAN

 

Dakma sa isinagawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Highway Patrol Group (HPG) Region 4A, HPG-Region 3 at Carmona, Cavite Police Station ang dalawang notoryus na miyembro ng carnapping syndicate matapos tangayin ang isang van sa Barangay Mabuhay, Carmona, Cavite.


Base sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite HPG Provincial Officer Chief Insp. Rodolfo Magno, kinilala ang mga suspek na sina Ruel Rodrigo, 26-anyos, taga-San Jose, Nueva Ecija; at Merlito Valdez, 21, na taga-Aparri, Cagayan, na kapwa mga suspek sa pagtangay ng isang kulay silver na Nissan Urvan na may plakang ZRB-343 sa nasabing lugar.


Ayon kay Chief Insp. Angel Beros, hepe ng Carmona police station, sa pagitan ng ala-una hanggang alas-singko ng madaling-araw nang tangayin ang nasabing sasakyan na noo’y nakaparada sa harap ng bahay ni Laro Thomas, driver ng van na pag-aari ng Delta Rent a Car. 


Nabatid pa kay Chief Insp. Rodolfo Magno na ang mga suspek ay natunton at nadakip sa Morovick Traveler’s Inn sa Maharlika Road, Baliuag, Bulacan kamakalawa ng hapon sa tulong ng global positioning system (GPS) matapos ang ilang oras na pagsubaybay sa pagdadalhan ng sasakyan ng mga ito.  


Natagpuan sa loob ng narekober na van ang ilang radio equipment na ginagamit upang makasagap ng frequency ng Philippine National Police, mga plakang pamalit sana sa original na plaka ng nasabing van at GPS machines.


Itinanggi naman ng mga suspek na sila ang tumangay ng van at sinabing pinabantayan lamang umano sa kanila ito kapalit ng malaking pera na ibabayad sa kanila ng isang nanga­ngalang Robertos. 


Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng HPG sa mga kasamahan pa nito na hinihinalang mga miyembro ng kilabot na Dominguez, Olaez, Bonifacio at Tata Revo Carnapping Group na may malawakang operasyon sa Region 3 at Region 4. (Rossel Calderon)


BACK TO HOME

NOTORIOUS CARNAPPERS DAKMA SA NINAKAW NA VAN

Opisyal ng Army patay sa pagsabog

10 katao nasagip ng PCG sa Catbalogan, Samar

5 kalsada sa Cordillera sarado pa rin

Kasiyahan nauwi sa kamatayan