EDITORIAL

Banta sa kalayaan sa pamamahayag

 

 

 

 

 

 

 

Malaking banta sa kalayaan sa pamamahayag ang bagong batas laban sa cybercrime o Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act na pinirmahan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III nito lamang linggo.


Ang nasabing batas ay naglalayong parusahan ang mga cybercriminals tulad ng hackers, mga nagpapakalat ng child pornography, cybersquatting, identity theft, cybersex at spamming.


Pero bukod sa mga ito, isinama rin sa batas ang online libel na naging sanhi upang maalarma ang media group sa pangunguna ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Center for Media Freedom and Responsibility.


Naniniwala ang NUJP na hindi lamang ang media ang namimiligro sa bagong batas na ito dahil lahat ng mga mamamayang may access sa internet ay posibleng maapektuhan ng anti-cybercrime prevention law.


Pero sa totoo lang, ang modernong paraan ng komunikasyon sa mga panahong ito ay isang bagong putahe sa ating mga Pinoy.


Dalawa hanggang tatlong dekada ang nakararaan, kung gusto natin ng mabilis na makarating ang mensahe, lahat tayo ay nagtitiis sa telegrama na binabayaran ang bawat salita kaya’t napakalimitado ng mensaheng ating ipinararating.


Dumaan din ang mga panahong ang sulat na pinararaan sa koreo ay inaabot ng dalawang linggo hanggang isang buwan kaya mas lamang ang may pang-telegrama.


Sinundan po ito ng mga pager o beeper para makapagpadala ng mensahe na pararaanin mo naman sa operator na sumasala ng masasamang salita kaya kahit galit na galit ka na, mahinahon pa ring darating ang iyong message.


Ang telepono noon ay isang primitibong paraan na kailangang i-dial na parang manibela ng barko at kung minsan, kukunsumihin ka pa ng partyline na ayaw kang pagbigyan kahit naglili­gawan lamang naman sila.


Hindi pa rin natapos ang modernong komunikasyon sa paglabas ng fax machine at cellphone dahil nagising tayo isang umaga, puwede na palang gamitin ang electronic email na nasundan pa ng Friendster, YouTube, F­acebook, Twitter hanggang sa mga blog.


Aminin po natin na ang lahat ng ito ay bagong dimension para sa ating mga Pinoy kaya hindi nakapagtatakang marami ang hindi marunong gumamit nito na humahantong sa pang-aabusong makagamit ng ere sa internet.


Wala po tayong pag-aawayan sa katotohanang ang libel ay isang krimen magmula pa sa panahon ng koreo hanggang ngayong age of the Facebook at Twitter, subalit kailangan pong ma­ging malinaw ang paghulma ng mga patakaran ukol dito.


Naniniwala kaming hindi dapat maisama sa libelo ang anumang artikulong ang tunay na dugo at laman ay pagpaparating ng impormasyon sa ating mga kababayan, lalo na kung ang isyu ay may kaugnayan sa pang-aabuso sa kaban ng bayan at pagsasamantala sa kapangyarihan.


Kung paninira lamang sa reputasyon ng personal na pagkatao ng isang nilalang kahit pa hindi pulitiko ang biktima, siguro ito ang dapat tingnan ng mga gagawa ng panuntunan upang magkaroon ng pamantayan sa pag­respeto ng kahit sino man.


Pero naniniwala pa rin tayong ang anumang kalayaan ay dapat magkaroon ng kaakibat na responsibilidad.

BACK TO HOME

EDITORIAL: Kuko ng Martial Law

SPY ON THE JOB: Tamang pagtitipon!

FOR THE RECORD: Banta sa kalayaan sa pamamahayag

Letter to the editor